Wednesday, October 12, 2016

GuRangers

'Uwi na tayo Bes!', Ang sabi ni Joy sa kanyang matalik na kaibigan.

'Wait lang, may pinopost pa akong pics natin', Tugon ni Hope.

Habang abala ang magkaibigan na nagliligpit ng kanilang gamit sa paaralan, may pagyanig na naganap sa gusali. Nakadinig din ng malakas na pagsabog sa iba-ibang direksyon.

'Anyare??? Bes??? Bes???? Nasan ka Bes???' Ang pagtatanong at pagkagulat ni Hope sa naganap.

Nagkakagulo na ang mga tao sa paaralan. Ang mga estudyante at mga guro ay nagmamadaling nagsisitakbuhan patungong hagdanan at nagsisisigaw sa mga kaganapan.

Di mapakali si Hope dahil di niya makita ang kaibigan subalit alam niya na kailangan na din niyang makaalis at baka may mangyari pang masama sa kanyang kinalalagyan.

Dali-daling kinuha ni Hope ang kanyang telepono at tumakbo habang may itinytype.

FB Post: Grabecious ang ganap. May earthquake and explosives like boom boom boom boom! Regal shocker! - feeling shocked

Huling lumabas ng paaralan si Hope at nagulat sa nakita.

Sira-sira ang kalsada na may ebidensiya ng pagsabog na naganap. May mga apoy at sunog din sa iba't ibang lugar.

Subalit ang nakapagtataka, nawala na ang mga tao na kanina ay nagmamadaling tumakbo papalabas ng gusali. Nawala ang mga tili at sigaw ng mga nagmamadaling estudyante at guro. 

Napansin ng dalaga na may mga stuffed toys na nakakalat.

Ilang saglit pa ay nakarinig si Hope ng tila nagbabakbakan sa may kabilang bahagi ng paaralan.

Nagmamadaling pinuntahan ng dalaga ang pinagmumulan ng parang awayan.

FB Post: Where's everybody? Para silang mga bubbles, nawala suddenly!- Feeling alone

Nagtago ang dalaga sa likod ng isang pader habang pinagmamatyagan niya ang nangyayari sa likuran ng paaralan, sa may bakanteng lote at playground.

May Frat wars ata. Natatanaw niya ang mga nasa dalawampung patpating mga nilalang na nakasuot ng itim at may suot na galamay ng pugita sa ulo. Meron silang pinalilibutan na apat na tao.

Nagulat si Hope sa kanyang nakita. Si Joy na kanyang kaibigan ay kasama ang tatlo sa gwapong kalalakihan ng paaralan. At ang masama pa doon ay ang isa sa tatlong lalaki ay ang kanyang crush na si Ken.

Twitter Post: I feel betrayed! Very very betrayed!

Nakikipagsuntukan ang apat sa mga patpating nilalang. Suntok, sipa at pag-ilag ang mga nasasaksihan niya. 

Di na nakatiis si Hope at lumabas sa kinatataguan niyang lugar.

'Isa kang Ekans, isa kang Arbok! Isa kang Seviper!' Ang sigaw na nadinig.

'Bes! Anong pinagsasabi mo???' ang tugon ni Joy habang nakikipaglaban padin sa mga kaaway.

'Don't Bes-Bes me! Isa kang ahas na pokemon! Bakit kasama mo si... si... Ken?' Ang galit na sumbat ni Hope.

'Joy, Siya ba? Siya ba ang tinutukoy mo?' Ang tanong ng isang lalaking nakasuot ng itim na jacket na nakikipagsuntukan padin.

'Hindi ito ang tamang oras para makipagdaldalan! Jack, sa kaliwa mo!' Sigaw ng lalaking nakasuot ng  berdeng jacket.

'Tama si Leo! Tapusin muna natin tong mga kampon ni Kukurifafu bago tayo mag-usap' Ang nasambit ng lalaking naka-pulang jacket na panay ang sapak sa mga kaaway.

Ilang minuto ang nakalipas at nakahandusay ang mga patpating nilalang.

'Let me explain Hope!' Ang sabi ni Joy habang nag-aakyos ng damit.

'Sa pricinct ka mag explanation! Stop acting like you know my pain! I don't need a pain killer!' Ang tugon ni Hope.

'Siya ba ang irerekomenda mo Joy? Siya ba ang pang-lima?', Ang pagtatanong ni Jack.

'Sigurado ka bang mapagkakatiwalaan at makakatulong siya?', Dugtong na tanong naman ni Leo.

'I know you, you're Hope right? Ang Social Media Queen ng campus?', ang nabigkas ni Ken.

Twitter post: OMG! Kinausap ako ni Crushieeeee.

'Oo, guys, siya ang irerekomenda ko para makumpleto na ang ating grupo. Ipinapakilala ko pala ang aking Bes, si Hope. Hope, sila pala sina Jack, Leo at Ken', ang nasambit ni Joy.

'Bes yourself! Iniwan mo ako tapos makikita kita kasama ang mga cutie boys na ito! You're so kati! I'll buy Caladryl and Katialis for you!' hirit ni Hope.

'Friend, bes,  iniwan kita kasi may tungkulin ako! Kailangan kong tulungan ang grupo ko so paglaban sa kasamaan', wika ni Joy.

'Yeah right... Group? Ano to? Mala-Meteor Garden? Ikaw si Tangkay? sila ang F3 ganern??', nasabi ni Hope.

'Nope, Kami ang grupong tagapagligtas ng Pag-Ibig at katarungan, at parurusahan namin ang kasamaan sa ngalan ng Buwan!', sarkastikong sagot ni Jack.

'Pwera biro, miss Hope, kami ang naatasan na maging tagapagligtas ng bayan laban sa pwersa ng kasamaan na dulot ni Kukurifafu. Binigyan kami ng kapangyarihan upang talunin ang mga kalaban', ang ineksplika ni Leo.

'And you, Hope, you're our hope to complete the group. Without you, we can't fight with full strength. Without you, we are incomplete.', ang sagot ni Ken.

Twitter post: Gosh.... I'm kilig to the bones!

'There's no US! Walang tayo! Hindi ka pa nanliligaw sa akin Ken!', sabi ni Hope.

'Wag kang pabebe friend, ikaw na talaga ang need namin. Ikaw na lang ang mapapasahan ng Bato. Lahat ng mga tao ay naging Stuffed Toys na', Ang pangkukumbinsi ni Joy.

'What do you mean?', tanong ni Hope.

'It means na ang mga ka-eskwela mo, mga guro at bystanders sa paligid-ligid na puno ng linga ay ginawang laruan ng kalaban. Kailangan nating matalo ang kalaban para maibalik sila sa dating anyo', banggit ni Jack.

Habang nag-uusap ang lima, sa itaas ng gusali ng paaralan ay isang malaking pagong ang lumitaw. kasabay noon ay ang pagsabog sa pagitan ng mga nag-uusap-usap.

'Wala na tayong oras!, Joy, ibigay mo na sa kaibigan mo ang pink na bato!', sabi ni Leo.

Iniabot ni Joy sa kanyang kaibigan ang bato at dali daling lumapit sa mga kasamang lalaki.

'Anong gagawin ko dito sa bato?' Tanong ni Hope.

'Ipanghihilod mo yan! Shunga ka! Natural gagamitin mo yan para magtransform', sabi ni Jack

'Do i need to swallow this stone like Darna?' Ang pakonyong tanong ni Hope.

'Hindi, isusungalngal ko sa iyo yan hanggang mabilaukan ka! Wait a minute, isusumbong kita sa kapulisan kasi gumagamit ka ng Bato! Dami mong tanong!', wika ni Jack.

'Bes, hindi yan technically bato, brilyante yan. Yan ang gagamitin mo para makapagtransform ka at magkaroon ng kakaibang powers para matalo natin ang kalaban', sabi ni Joy.

'Like those Engkantao thingy in the TV? and there's background music na umuungol kinda sound... uuuuuyeaaaaah---oooohhhhhyaaah?', tugon ni Hope

'Basta gayahin mo na lang ang gagawin namin', Sabi ni Leo.

'Okay guys! Let's do this! It's Morphin time! Red Tomato', sigaw ni Ken.

'Black Beans!', hiyaw ni Jack.

'Green Bellpepper!', sumunod na sigaw ni Leo.

'Yellow Corn!, sani ni Joy

Sabay na nagtransform ang apat. Nagkaroon sila ng makukulay na spandex suits at nagkaroon ng helmet na tugma sa kulay na isinigaw nila.

'O-M-G! Anong gulay ang pink! Are you kiddin me?!!', napasigaw si Hope.

'Sumigaw ka ng Pink Pototoy! hahaha', ang pang-aasar ni Jack.

'Check the stone hope! It contains the vegetable corresponding to the color!', wika ni Ken.

'Pink Raddish!', Malakas na sigaw ni Hope.

At sa isang iglap ay nagpalit ng anyo ang dalaga. Katulad ng naunang apat, nagkaroon din siya ng spandex suit at helmet na kakulay ng sinambit na gulay.

Instagram Post: Gosh, I'm a Ranger now! #PowerRangers #Pink #CottoncandyPink #Amazing #Blessed #Fight #Aja #sugoii

'Come here Hope! We need to do the mandatory intro and group pose!' Sabi ni Ken.

'Red Tomato- Black Beans- Green Bellpepper- Yellow Corn- Pink Raddish, Gulay Sentai... GuRangers' isa-isang winika ng lima habang pumorma ng kani-kanilang pose. kasabay nito ay may makukulay na usok ang tila lumabas sa kanilang background.


Instagram post: Part of their World! #GulayRangers #Groupie #Colorful #Astig #TaluninAngkasamaan #Justice

Sabay napalibutan nanaman sila ng mga patpating nilalang. 

Sabay-sabay na kumilos ang lima upang kalabanin ang mga nilalang na biglang sumulpot.

'Black Bean chain!'. Isang kadenang itim ang lumitaw at ito ay ginamit ni Jack upang igapos at itali ang mga kalaban na kanyang kaharap.

'Green Bellpepper Shield!'. Isang malaking berdeng gulay na pananggala ang lumitaw at ito ang ginamit ni Leo upang protektahan ang sarili sa mga suntok at sipa ng kalaban. Ginamit niya din ito upang talunin ang mga natapat sa kanya.

'Yellow Corn Blaster!'. Lumabas ang isang Baril na may hugis mais at ito ang ipinanlaban ni Joy sa mga nilalang na nakapaligid sa kanya. Sa ilang paggatilyo ng baril ay tumumba ang mga kalaban.

'Pink Raddish Tonfa'. Napasakamay ni Hope ang isang pink na batuta at ito ang kanyang ginamit upang ipamukpok sa mga kalaban.

'Red Tomato Yo-yo'. Isang yo-yo ang lumitaw at ito ang ginamit ni Ken upang patamaan ang mga makukulit at pesteng kalaban.

Tumumba nanaman ang mga kalaban subalit tumalon na ang malaking pagong at nagsalita.

'WTF guys! Why did you make patay-patay my alagad! You will pay for this!, sabi ng Halimaw na pagong.

'How much? Is it in dollars? Pesos? O-M-G, don't tell me pagbabayaran namin sa pamamagitan ng aming ka-ta-wan! noooooooo! I can't! Not my gorgeous sexilicious bootilicious bodeh!

'Haaaaaay!' Napabugtong hininga si Jack.

'Let's finish him guys!', utos ni Ken.

Pinagsama-sama ang mga armas ng lima at nakabuo ng malaking kanyon. 

'Ready! Veggie Blaster! Fire!' Sigaw ng lima habang isang malaking bala ang tumama sa halimaw na pagong at sumabog. Nakahandusay ang kalaban.

Isang maliit na kuhol ang nagmamadaling umeksena at nagsabog ng kung anong tubig sa nakahigang kalaban. Sa isang iglap ay biglang lumaki ang kalaban na katatapos pa lang talunin.

'Seriously??? This is really like those in the TV! may robot ba tayo?, Tanong ni Hope.

'Wala! Kakalabanin natin yang jambuhalang kalaban sa pamamagitan ng likes, shares and comments! Kailangang magkaroon ng 50k Likes, 50k comments at 50k shares... so G??', wika ni Jack.

'Bes, syempre meron! Di pwedeng hindi pantay ang labanan!', sabi ni Joy.

At isa-isang nagsidating mula sa himapawid ang limang higanteng gulay. Sabay-sabay na nagsitalon ang lima sa kani-kanilang sasakyan.

'Let's Jolt-Innnnnnnnnnnnnnn!' Sigaw ng lima.

Habang nagbabago ng anyo ang limang gulay, may musikang tumutugtog at may mahinang nagsasalita ang mariirinig na tila nanggagaling sa isang radyo. 'Form feet and legs.. Form arms and body... and i'll form the head... Go Planet!'

Isang robot ang nabuo at ito ay nagsimula na makipag laban sa higanteng pagong.

SnapchatPost: Mecha with Doggy Filter #Zords #GuRangers #Huge

'Excuse me lang babaeng merlat na social media queen, Nakikipaglaban po tayo! Saka ka na magpopopost ng anik-anik! Pag di ka tumigil magkakaroon ka ng Facebook live post at ipapakita ko ang paglibing ng buhay sa iyo!', medyo asar na pagkakasabi ni Jack.

Tuloy ang pakikipaglaban ng lima. Nagamit na nila ang mga iba-ibang atake at ultimate blow nila sa kalaban subalit di nila ito mapatumba.

'Bwahahahaha, You can't beat me you imbecile humans!', sabi ng kalaban.

Biglang umatake ang halimaw na kalaban at sinapak ang robot na sinasakyan ng lima. At dahil dito biglang nagkaroon ng pag-ilaw sa dibdib ng robot na nangangahulugang low-bat na ito.

'Wala na tayong pag-asa guys! Paano natin matatalo ang kalaban na ito?', sabi ni Joy.

'Katapusan na ng sangkatauhan!', ang nasabi ni Leo.

'Guys, don't lose hope!', wika ni Ken.

'Mag-Marlboro tayo, or winston or blackbat... Kasalanan to ni Hope! Tingnan mo yan, nasa bingit na tayo ng kapahamakan at nagawa pa niyang mag vlog!', sambit ni Jack.

'Hi folks, this is your very pretty gal Hope and i'm here inside this veggie robot and nawawalan na kami ng pag-asa. Naubos na ang weapons namin and ang katawan namin gulagulanit na, pati ang kaluluwa namin ay gutay-gutay na din! Sana magkaroon ng Himala. Humihingi ako sa langit ng isang himala', Habang kumukuha ng ng video ng sarili si Hope.

At biglang kumulimlim ang kalangitan. Isang malakas na kulog at kidlat ang dumating. Kasabay nito ay isang malamig na ihip ng hangin at pagbagsak ng buhos ng ulan.

Kasabay ng pagpatak ng ulan, biglang nagsisisigaw ang halimaw na tila nasasaktan sa mga butil ng tubig na tumatama sa kanyang balat.

Dahil sa nasasaksihan ay nabuhayan ang lima at sinubukan ilabas ang natitirang lakas ng kanilang robot.

'This is it pansit! Let's hurry strawberry! Let's Finish this!', sabi ni Hope.

'I have a pen, I have tomato.... uh! Tomato pen! Veggie Victory Blow!' Sigaw ng lima kasabay ng pag-atake sa kalaban.

Sumabog ang kalaban at ang mga taong naging laruan ay nabalik sa kani-kanilang anyo.

'We did it, we did it, we did yeah, Lo Hocimos, we did it!', wika ni Hope.

'Bes, nagawa natin! So proud of you, proud of us!' sabi ni Joy.

'Akala ko katapusan ko na!', nakahinga ng maluwag na sabi ni Leo.

'We did not lose hope, and because of hope, we made it! Thanks Hope!', sambit ni Ken.

' O sya, sya sya, zsazsa saturnnah! Welcome to the team Hope. Basta lessen mo yang online anik-anik mo kapag nasa trabaho tayo!', sabi ni Jack.

'Okay', sabay kuha ng cellphone.

Facebook post: Kaya humanda ang mga masasamang kampon ni Kukurifafu! Andito na ang tagapagligtas ng mundo. #GulayRangers #justice #TheEnd

つづく

-=-=-=-=-

Ang post na ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2016.




1 comment:

  1. WOW! Gumaganyan ka na ha! Wag mo kaming kakalimutan kapag sikat ka na!

    ReplyDelete

So.......Ansabeh???