Saturday, September 26, 2009

Unang sobrang Baha!


Sabado, akala ko ay normal na araw lamang kung saan maaari akong makagala at makapamasyal dahil nagkataon din na araw ng sweldo. Ako ay nagkamali. Bagamat sa umpisa ay masaya ang pangyayari mula hating-gabi dahil di madami ang tumatawag sa telepono. Bukod pa doon, sa oras ng trabaho ay nagkaroon kami ng pagsasanay sa panibagong produktong aming susuportahan at kailangang pag-aralan. Isang magandang pangyayari din ay ang matagal na naming hinihintay na jacket ay dumating na at ipinamahagi na sa amin. Nagkaroon din kami ng pagsasalo-salo sa almusal ng aking mga kasama sa trabaho. Di ko lubos akalain na ito ay parang isang masamang panaginip.

Ako ay nakatanggap ng mensahe mula sa ate ko na ako ay pinapauwi na dahil nga nagsisimula ng pasukin ng tubig ang bahay namin. Kung tama ang oras, mga bandang ika-wala o ika-siyam ng umaga iyon. Wala pa gaanong kaba dahil antagal na ng huling pinasukan ng tubig ang bahay at iyon ay may mga tatlong taon na ata ang nakalilipas. Kalmado pa ako at nagpapalipas ng oras para tumila ang ulan. Dumating ang pangalawang mensahe at ako ay nagulat. Inilipat na ng ate ko ang kanyang sasakyan doon sa may kalapit na gasolinahan dahil tumataas na daw ang tubig baha. Nahulog din sa baha ang kanyang telepono kaya di na siya makakasagot o makakapag-ulat kung anu na ang pangyayari. Napagpasyahan nalang naming magkaka-opisina na maglaro ng Bowling habang inaantay na himina ang pagpatak ng ulan.

Makalipas ang halos dalawang oras sa pag-aantay na maayos ang bowling center dahil kahit ang mga namamasukan sa establisyamentong yon ay wala pa din. Nakapag-laro kami ng dalawang set ng natanggap ko ang balita sa aking magulang na pinapayuhan akong huwag umuwi at manatili sa opisina dahil matas na ang baha. Ang eskaparate ko ng laruan ay inabot nadin at lagpas bewang na kahit na nasa loob na ng bahay at may mga tatlong dangkal pa ang taas mula sa normal na sukat ang bahay. Dito ako biglang napaisip. Nagkatotoo ang mga akala ko ay mga kalamidad na nagaganap lamang sa ibang bansa. Hindi ko lubos maisip na aabot sa pagkakataong lagpas sa bewang ang taas ng tubig baha.

Hindi na bago ang baha sa akin. Naranasan ko na ito nung ako ay bata pa at nakatira kami sa dati naming bahay. Noon ay halos taon-taon ay nakakaranas kami ng pagbaha sa loob ng bahay. Naaalala ko pa nga na may nalilikasan pa kami dahil may kamag-anak kami na nasa malapit lamang kung saan ay hindi inaaabot ng baha. Pero iba ang bagsik ng bagyo ngayon. Halos buong siyudad ng Maynila ay nilamon na ng tubig at binalot ng takot ang mga tao.

Hanggang sa mga oras na ito ay wala pa akong balita sa bahay namin. Nakita ko sa Facebook ng dating kamag-aral na lagpas tao na ang baha sa may lugar namin. Nakakatakot pero sana ay malagpasan namin ang pagsubok na ito. Mukhang di na matutuloy ang binabalak kong pagtitipon kung halos ang lahat ng kasangkapan at kagamitan namin sa bahay ay kinain ng baha.

0 comments:

Post a Comment

So.......Ansabeh???