Noong nakaraang linggo, ako ay nababalot ng lungkot at nawawalan ng gana sa di matukoy na kadahilanan. Hindi ko maipaliwanag pero parang ako'y nasa loob ng mundong tanging kalungkutan lamang ang namumuhay. Dumagdag pa sa lungkot ang pagpatay ng butil ng tubig na nagmumula sa kalangitan at ang ihip ng hangin na dumadampi sa aking balat. Ang aking ipinagtataka ay ang madalas na biglang phit sa aking emosyon at di ko mawari bakit parang nais tumulo ang luha sa aking mata. Sa mga nakalipas na araw, di ko batid ano ang dahilan ng aking pinagdaraanan. Ako ba ay nalulungkot o nag-e-emo lang.
Pinag-isipan kong maigi kung anu ba ang mga kadahilanan ng pagiging lugmok ko. Marahil ito ay ang balitang aking natanggap mula sa isang kaklase sa mataas na paaralan kung saan aking nalaman na may magaganap na pagtitipon upang ipagdiwang ang kaarawan ng isa pa naming kaklase. Ako ay tinanong kung ako ay dadalo. Di ko mapigilan ang saya ng malaman na magkakaroon ako ng oras upang makita ang mga kaiigan ko. Ngunit ako ay nalungkot dahil wala naman akong natatanggap na panyaya o kahit na anung mensahe na ako ay iniimbitahan sa nasabing pagtitipon.
Dumating ang ilang araw at ako ay muling nakatanggap ng isang mensahe mula sa isa pa naming kaklase upang alamin kung ako ay dadalo. Sinabi ko na baka hindi dahil hindi naman ako nasabihan ngunit ako ay sinabihan at inaanyayahan daw. Di ko alam ang aking gagawin. Tiningnan ko ang aking Facebook subalit wala akong makitang kahit na anung mensahe. Muli, ako ay nabalot ng agam-agam kung ako ba ay dadalo o magkikibit-balikat nalang at hahayaan nalamang na matapos ang araw ng pagtitipon.
Makalipas ang ilang oras ay napagdesisyunan ko na dumalo upang matapos na ang pagdadalawang isip. Aking inalam kung papano makakapunta sa tirahan ng aming kaibigan. Matapos malaman ang eksaktong lugar, ako ay nagsimulang kumilos at nagsimulang magbihis sa naturang okasyon. Hindi ako nagmamadali sa kadahilanang sa aking loob ay di ko padin mawari kung ano ba ang dapat maramdaman. Puno ng kaba ang dahil hangang sa mga oras na iyon ay di ko padin matanto kung ako nga ba ay talagang inanyayahan.
Ang oras ay dumating at ako ay nakababa na sa sinasakyang motor na naghatid sa akin sa nasabing lugar. Ako ay bumabang nangangatog hindi dahil sa hamog at tubig na dulot ng ulan ngunit sa kadahilanang di ako handa sa reaksyon kung ako ay tanggap sa pagtitipon na iyon. Di ko maintindihan ang aking sarili. Parang ako ay hindi mapakaling pusa na di alam kung manganganak o hindi. Ako ay lito kung ahkbang pasulong o uurong ako. Aking tinatagan ang loob at ako'y humakbang papalapit sa garahe ng may-ari. Isang hakbang pa at dinig ko ang tawanan at kwentuhan. Isang hakbang muli at natanaw na ng aking mata ang mga anino at imahe ng mga taong nagtitipon. Huling hakbang at tumamban sa aking harapan ang isang nakasisilaw na liwanag.
"Buti at nakadating ka!" isang pambungad na salita ang aking narinig. Isang nakangiting babae ang aking natanaw. Siya ang may kaarawan at ang nagpatawag ng selebrasyon. Sa likod nnya ay mga di ko kilalang muka na tanging ngaon ko lamang nsilayan. Patay! Nasa tamang lugar ba ako? Tama ba ang lugar na aking pinuntahan. Ako ba ay naligaw? Tama naman eh. Nandyan ang aking kaklase sa harapan ko. Sinilip ko ang iba pang tao sa kanyang likod at dun natagpuan ang mga pamilyar na mga mukha. Aking nakita ang mga dating kaklase sa High School. Laking luwang sa pakiramdam dahil hindi ako nagkamali ng napuntahan.
Mga ilang hakbang at aking nasilayan ang aking mga kaklase. Nadinig ang "kamusta", "Yo!", "oi" at ang nakakatawang "o pare, may asawa ka na?". Ang lungkot sa puso ko ay nabawasan. Habang tumatakbo ang oras, parang yelong nadampian ng init ang puso kong nabalot ng kalungkutan. Parang sementong unti-unting natitibag ang pader na pumapalibot sa aking katauhan. Hindi ako mag-isa. Andito sila. Andito ang mga kaibigan ko. Itigil na ang drama at dapat ikaw ay magsaya.
Lumipas ang ilang sandali, kami ay nagsimulang kumain. Nagkakawentuhan kung kamusta na ang ma lagay namin. Kung ano-ano ang mga pagbabago simula ng makatapos kami sa pag-aaral. Nariyan ang madalas na tanung na "San ka nagwowork?". Syempre may sagot naman ako; "sa Trend Micro". "San un?" tanong ng isa. "Sa libis" aking sagot. Masaya ako sa mga oras na iyon. Nakalimutan ko ang lungkot na dulot ng nakalipas na araw. Kahit masaya ako ng mga sandaling iyon, dumating nanaman ang duda sa isip. nabalutan nanaman ako ng topak at naisip nanaman na baka "Gate Crasher" lang ang turing nila sa akin at dahil wala na silang choice e hayaan nalang na mag-stay ako. Sabog! Para akong sabogdahil di ko maintindihan an sarili. Isa akong masayang malungkot! Adik! marahil ay adik kung tawagin ng iba dahil kung kelan mo nararanasan ang masayang pakiramdam ay sasabayan mo naman ng suspetsa at bahiran ng lungkot ang isip.
Beer. Serbesa. Iyan ang natanaw ng aking mata. Sa agam-agam na nananalaytay sa isip, yan ang napagtuunan ng pansin. Nagbukas ako ng isa lata ng beer. Kahit di malamig, sige lang. Inom. Maupo sa isang tabi at makinig sa kwentuhan ng iba. Mangilan-ngilan na nasasama ako sa tanung pero ako ay parang taong tenga na ang alam lamang ay makinig at mapangiti sa kwentuhan at hanggang duon lang. Di ako makasabay sa agos ng kasiyahan. Nakakatawang isipin dahil nuong kami ay nag-aaral pa, isa ako sa mga madaldal at makulit. Bangag! Isang bote palang e bakit daig ko pa ang laseng na hindi kayang maki-salamuha sa iba. Isang lata pa. Tahimik sa isang sulok ng lamesa mukang nagmumkmok at nag-iisa. Napapansin naman ako ng iba at tinatanung kung ako ba ay may problema.
Problema? Wala. "Wala naman". Yan ang aking sagot. Tuloy ang oras sa pagtakbo at kasabay noon ang pagdating ng iba pa naming kaibigan. Balik sa mga tanong ang bawat isa. Iyo't iyon ding mga tanong. Natural, ang laging agot ko ay "okay naman, sa Trend Micro, sa Libis, IBM Plaza, Consumer support". Sa pag banggit ng anung klaseng work meron ako, dun ako tinamaan ng kung anung bagay. Inferiority complex ang nadadama ko. Lugmok ako dahil alam ko na nakatapos nga ako subalit mala call center ang trabaho ko. Hindi ko nilalait ang call center. Pero parang ang layo ng pinag-aralin ko sa gingawa ko. May kaklase din naman kaming nag call center, bakit parang hiyang-hiya ako. Di ko alam kung sa anong kadahilan bakit ganto ang naramramdaman ko. Isang salita pa ang pumasok sa isip. Inggit! Marahil ako ay yung taong naiinggit sa narating ng iba. Wow, si ganto seaman. Si ganyan ay QA na. Si kwan sa ganto nagtratrabaho. Isip ko ay puno ng tanong na alam ko naman na di naman agad masasagot.
Lumipas ang oras at nakausap ko ang aking kaibigan na nagdiriwang ng kanyang kaarawan. Dun ko napag-alaman na ako nga ay naimbitahan. Basag! Basag na ang yelo na bumalot sa pusong nangulay ube na na animoy bugbog. Dumaloy na ang dugong parang matagal ng di umagos sa aking katawan na dulot ng kakulangan sa kasiyahan. Umusbong na ang punlang matagal ng itinanim ng mga kaibigang pinabayaan ko dahil sa pagbaon ko sa sariling lungkot, kasawian at dalamhati. Para akong nagising sa sariling bangungot.
Matatapos na ang okasyon at ako ay may natutunan. Ako. Tanging ako ang problema. Hindi ako napag-iwanan. Ako ang lumayo sa panliit sa sarili dahil lagi kong ikinukumpara ang sarili sa iba. Nagbulag-bulagan ako at hinayaang maging manhid upang ilagay ang sarili sa mala rehas at tanikalang na gumapos sa aking pagkatao. Ako ang nagkulang. Ako ang lumayo at dumistansya at hindi sila. Praning! Aakalain mong nakahithit ng solvent dahil andaming negatibong bagay ang naiisip. Huwad! Nagbabalat-kayo ako upang tanggapin ng iba ngunit ako ay mali. Tanggap nila ang narating ko, katauhan ko, kakayanan ko at iba pa. Tanging ako lang ang di kumikilala sa aking sarili.
Natapos ang okasyon. Natapos ang kabaliwan. Natapos na ang kwentong ordinarong walang kinalaman sa iba.