Friday, October 30, 2009

Costume Party!



Ngayon ay ika-30 ng Oktubre at halos lahat ng opisina, malls at lugar ay naghahanda na sa halloween party at nagpreprepara sa mga event tulad ng costume party at spooky designs. Nakakaaliw makita ang mga tao na handa na nag-aayos ng kanilang kasuotan o kaya ay namimili ng mga props na gagamitin. Para sa akin, nakakalungkot dahil ngayong taon ay walang gantong theme sa opisina.Ang klasikong dahilan ay dahil kelangan magtipid at imbes na magpa-bongga sa dekorasyon ay gagamitin nalang pangtulong sa mga nasalanta ang pera na gagamitin.

Noong nakaraang taon ay meron kaming ganung kasiyahan dito sa opisina. Bawat grupo ay may naturang tema tulad ng mummies, zombies, fairies, elfs, vamps at iba pa. Nakakaaliw makita ang mga tao na todo effort sa pag-aayos ng kanilang itsura. Nakakaaliw lalo ung grupo ng fairies na puro kalalakihan ang miyembro. Ang nakatoka sa team namin noon ay zombie. Kami ay bumili ng poster paint na pula at dinungisan ng parang dugo ang damit at nag-make-up na animoy bangkay o kaya ay sa iba ay ispasol lang na may black eye.

Sasabihin kong okay noong nakaraan subalit hindi pa talaga ako at home sa team dahil mga bagong sabak lang kami. Kami ay mga newbies na baguhan palang sa grupo at nagsisimula palang makibagay sa iba. Ngayong kasundo ko na ang mga tao sa team at di na ako gaanong nahihitya sa kumpanya, ngayon naman walang halloween event. hahahaha! Sa iba ay masasabing ako ay sira dahil isa din naman ako sa naapektohan ng krisis ngunit naghahanap ako ng kaartehan sa opisina. Marahil ang masasagot ko lang ay nais ko lang naman magsaya at maranasan ang magtitipon at pagpapalit ng kasuotan na babagay sa tema o paksa.

Kung sakaling nagkaroon sana ng event, siguro, pipili ako ng nakakatakot na maskara or isang karakter sa anime tulad ni Franky or si Brooke ng One Piece!

Tuesday, October 27, 2009

Halloween Shirts

Today, I'm just posting Halloween shirts that caught my attention.
(based from zazzle.com)


 
 
 
 
 
 
 
 


 
 
 

Wednesday, October 21, 2009

Running Erap!



Matapos kong magising, sumambulat ang balita sa telebisyon na ang dating Pangulo ng Pilipinas ay tatakbong muli sa pagka-pangulo. Tama. Ang Dating artista at ang dating chikboy na si erap at ang napiit at na-impeach ay nagdeklara na tatakbo sa susunod na halalan.

Nakakatawa! Ang taong sinipa at pinatalsik ng taong bayan sa salang pagsamsam sa yaman ng bayan. An taong nangurakot ng buwis ng bayan. Ang taong nadawit sa Gambling ay nagpreprepara upang bawiin ang pwestong kanyang nilisan sa kasagsagan ng EDSA Dos. Ang taong may patilya ay gugulantangin ang mundo sa kanyang anunsyo!

Aking naaalala na noong nasa High School ako ay sya ang usap-usapan sa aming silid-paaralan. Mga kwento ng mga kaklase ko na dumalo sa rally upang sipain sa upuan ang kilabot na buwaya. Mga pagmamayabang ng aking mga kamag-aral na meron silang souvenir ng mga tarp at stickers kontra erap. Hanggang pakikinig lang ako dahil hindi ako sumama sa rally. Nagpaiwan ako sa bahay dahil ang akala ko ay magkakaroon ng Pokemon sa TV. Nagkamali ako. Walang TV show. Tanda ko na ang Edsa Dos noon ay ginanap, biyarnes at Sabado at pagsapit ng Linggo ay natanggal na sya sa puwesto.

Nakakaawa ang sitwasyon ng politika ng Pilipinas dahil ang taong trinaydor ang bayan ay syang kasama sa mga top people na nais daw ng taong-bayan na pangunahan ang ating bayan. Parang hindi na natuto ang pinoy at nais nilang maulit ang nakaraan na ang ganid sa pera at kapangyarihan ay gagawin muli ang dating plano.

Sana lang ay maging matalino ang bayan at hindi sya iboto.

Sunday, October 18, 2009

Pagkikita ikalawang alon!


Nakakainis. Bad trip! Imbes na makakain ng tama ay naiwan ako sa bahay ng tita ko upang magbantay ng bahay. Araw ng linggo at ngayon ang naitalang pagtitipon ng aking kaarawan. Masasabing ito ay wave 2 dahil naghanda na ako noong huwebes. Ngayon ay ang ikalawang paghahanda dahil bumisita ang aming malapit na kamag-anak sa bahay. Masaya dahil nagkaroon ng salo-salo subalit nakakabad trip dahil matapos akong makakain ay ako ay ginawang bantay ng bahay.

Natapos na ang sikat ng araw at ang kdilim ay sumakop na sa daan.Sumapit ang gabi at ako ay naligo nalamang at nagtungo sa malapit na Jollibee upang maalis ang gutom na nadarama at ang pagkainis na nararamdaman. Makalipas ang ilang sandali at naubos ko na ang inorder na pagkain, ako ay naglakad na patungong bahay. Sa aking paglalakad, may pamilyar akong nakita, isang mukang kaytagal ko ng hinahantay na mamasdan. Noong una ay duda ako kung ikaw nga iyon. kaya tumungo nalamang at nilagpasan kita.

Di ako napakali dahil malakas ang kutob na siya nga ang nakita ng aking mata. Di nagdalawang isip pa at ako ay bumalik at pasimpleng bumili sa tindahan kung saan sya ay nakaupo at dahan-dahan kong minasdan kung tama nga ang aking hula. Tama! Sakto! Jakpot! Swerte! Ang taong akala ko ay iba ay sya palang taong matagal ko ng inaasam na makita pang muli.

Nagalak ako sa pangyayari. Nawala ang pagkainis. Bigla din akong nagpawis. Natawa ang isip sa aking ginawa. Upang hindi magmukang isnabero ay kinausap ko sya. Tinanong kung kamusta na. Inusisa ang tungkol sa baha. Konting usap lamang ang nagawa dahil di ko din alam kung anu ang gagawin at anu ang dapat sabihin. Ako ay nagpaalam at nagsabi na parang "sa muling pagkikita". Tumalikod na ako at naglakad papalayo.

Sana sa susunod na mag-crus ang landas ay sana matagal-tagal na kwentuhan naman. Sana ay maibalik ang dating pagkakaibigan. Sana ay muli kang makasama.

Friday, October 16, 2009

Istoryang kaarawan!


Kahapon, ika-15 ng oktubre ay ang aking kaarawan. Ito ang petsa kung saan ako ay nadagdagan nanaman ng edad. Lalong tumataas ang numero sa aking edad at papalapit ng papalapit sa dulo ng kalendaryo. Ayaw ko mang aminin pero tumanda nanaman ako. Habang gumagalaw ang orasan ay aking naalala ang mga nakalipas na pagdiriwang ng aking kaarawan.

Ang mga bagay na naaalala ko nung ako ay musmos pa lamang ay noong ako ay pitong taong gulang kung saan ay nakasanayan na ng pamilyang pinoy na paghandaan ang ganung okasyon. Aking naaalala na noon ay umupa kami ng party clown o tinatawag na BOYOYONG noong kapanahunan ko. Di ko din malilimutan ang mga palaro at regalong mga natanggap.
 
Natatandaan ko din na minsan ay ginanap din ang aking kaarawan sa RainForest(pasig) kung saan ako ay nakatanggap ng laruang Bishop ng X-men mula sa aking magulang. Tanda ko din ang mga premyong water gun at ang nakakatawang bagay ay sa isang palaro ay may extrang bata na sumali at nanalo.

Lumipas ang mga taon at sa grade school ako nagdiriwang ng kaarawan. Natatandaan ko na nagdadala ako ng loot bag na may lamang candy, laruan at chocolates para sa aking mga kaklase. Kung hindi ako nagkakamali ay hanggang grade 4 iyon dahil pagtungtong ng grade 5 at 6 ay hindi  na nababagay sa akin ang magpamigay nun. Ang ginagawa ko noon ay nililibre ko nalang ang mga kaibigan at kamag-aral sa canteen. 

Pagsapit ng High School ay mas sumimple ang pagdiriwang. Wala na ang grandeng pakain at pagdiriwang. Ang ginagawa nalang ay nagluluto ng pagkain sa bahay at animoy pot luck dahil ang mga kamag-anak nalang ang may dalang pagkain tulad ng puto o kaya cake. Isang beses, ay ang ginawa ko ay nilibre ko ang mga kamag-aral ko sa KFC. Masaya ako nung araw na iyon. Di ko din makalimutan na ung taong kinaiinisan ko ay nagregalo pa sa akin ng Pokemon card. 

Sa Kolehiyo ay halos pareho lang din. Bibili ako ng bucket meal sa KFC at kaming magkakabarkada ay pagsasaluhan iyon. Wala na ang pagreregalo syempre dahil batid ko naman na hindi na uso ang regalo. It's the thought that counts na ang kadfalasang madidinig at maiisip. 

Magarbo ng maituturing ang aking 21st birthday dahil ito ay ang sinasabing debut ng kalalakihan. Nirentahan namin ang isang private resort sa antipolo at doon dinaos ang aking kaarawan. Imbitado ang mga kamag-anak, kaklase sa high school at college. Masaya ang araw na ito.

Ang una kong kaarawan noong nakaraang taon ay simple ulit. Eto ang unang pagkakataon ko na magdiwang bilang isang taong may trabaho. Sa totoo nun ay trainee palang ako at di pa sigurado kung makukuha nga ako. Bumili lang ako ng ice cream kasama ang isang ka-batch dahil magkasunod lang ang araw ng aming birthday. October 16 kasi ang kanyang araw ng kapanganakan.

Kahapon ang aking kaarawan. Wala na ang balak ko na rentahan ulit ung sa may Antipolo dahil kami ay nasalanta ni Ondoy. Napaka-ordinaryo ng araw at kakaiba. Imbis na bilan ko ang sarili ng regalo ay bumili ako ng plastic container na mapaglalagyan ng damit upang kung sakaling mangyari ulit ang baha, hindi na lahat ng damit ay lulubog at kelangan labhan. Wala ng party games, imbes ay naglaro nalang ako sa arcade sa mall. Walang bonggang handa, normal na ispageti at cake nalang.

Masaya nadin ako dahil hanggang ngayon at heto ay buhay ako. Hanggang ngayon ay kaya pa naman ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Nagpapasalamat ako at di naman ako naghihirap at may trabaho ako. 

Belated Happy Birthday sa akin.


Wednesday, October 14, 2009

Kwentong Ulan


 
Ulan, Ang bagay na hinihintay ng mga tao na naiinitan sa tindi ng sikat ng araw. Ang pangyayaring natural sa mundo kung saan pumapatak ang mga butil ng tubig na nagmumula sa kalangitan.Isang proseso na nakatutulong sa mga pananim at sa mga nabubuhay dahil ito ay nagbibigay kaginhawaan.

Noon, kapag umuulan ay masaya kaming naglalaro sa kalsada. Mga batang yagit at paslit na masayang nagtatampisaw sa tubig at mabilis na kumakaripas ng takbo at nag-uunahan sa mga alulod na malakas ng buhos ng tubig. Mga panahong walang sawa ang mga kabataan sa paghiling na sana hindi pa huminto ang ulan dahil sa sayang dulot. Hindi alintana ang lamig at ginaw na dulot ng pagbagsak ng tubig sa kanilang mumunting katawan.

Kung babalikan ko ang nakaraan, masasabi ko na isa ako sa mga batang nagsasaya at libang na libang sa pagbuhos ng ulan. Kahit na anong lakas ng ulan ay kakayanin at di palalampasin. Kahit na anung signal pa ng bagyong dumating ay ayos lang sa amin. Naranasan ko na maligo sa ulan ng anim na oras. Naranasan ko na magtampisaw sa maliliit na baha na dulot ng lakas ng ulan. Nakawa ko ng magpagala-gala kung saang lupalop at playground upang mag-enjoy sa bagsak ng ulan.

Ngayong ako ay 22 years old na, hinahanap-hanap ko ang nakaraan at ninanais na maligo sa gitna ng daan at mabasa ang katawan. Ako ay nagbabalik tanaw sa nakalipas habang bumubuhos ang ulan. Subalit sa sinapit noong nakaraang linggo na dulot ng bagyong Ondoy, Hindi ko alam kung nanaisin ko pa na magtagal ang buhos ng ulan dahil di ko alam kung kakayanin ko pa na mawalan ng tirahan at lumubog ang mga gamit na aking binili na nagmula sa aking pinagpaguran.

Tuesday, October 13, 2009

Wirdong Leave



Nakakatawang isipin na ang leave na finile ko noong nakaraang buwan upang ako ay makapaghana sa aking balak na magkaroon ng birthday celebration ay nauwi lamang sa pagtambay sa bahay. Wirdong pagkakataon dahil nag-file ako ng apat na araw na leave ngunit mauuwi lang sa pagbabantay ng bahay na nasalanta ng bagyong Ondoy.

Sa Unang araw ng leave kokahapon, ika-12 ng oktubre ay napagpasyahan ko na pumunta sa mall at doon ay umubos ng oras. Ang totoong balak ko din ay bumiling plastic container na paglalagyan ng mga damit upang kung sakaling bumaha muli ay tuyoang damit dahil naka-silid itosalalagyang may takip.

Pagdating sa Megamall ay nagtungo ako sa department store subalit ako ay nadismaya dahil wala pading stock nung hinahanap ko. Ang dahilan nanaman ng mga empleyado ay wala padin daw na deliver at baka sa gaganaping 3 day sale pa magkakaroon! Kamusta naman sa pagpapaasa diba?dalawang linggo ko na hinuhunting yung bagay na iyon dahil mura na, may pakinabang pa.

Dahil wala na akong magagawa ay napagpasyahan ko na maglaro sa arcade.Ako ay bumili ng token at naglarong arcade game. Kahit na weekdays ay madami ang naglalaro sa Megamall at nandoon ang mga bihasa sa laro. Mga halimaw, sila ang mga taong dalubhasa sa mga combo sa arcase.mga taong mukang ginugolang panahon sa pagpraktis kung pano di makakatakas ang kalaban sa kanilang mga kuko. Nasayang lang ang tokens ko dahil natalo ako sa laban.

Makalipas ang paglalaro, napagpasyahan ko na lumipat sa Robinsons Galleria at doon tumambay. Ako ay bumili ng makakain at nagpalibot-libot sa mga palapag ng mall. Nais komang bumili ay wala akong sapat na pera dahil hindi pa pumapasok ang suweldo. Naisipan ko nalang na umubos oras sa pagtingin-tingin sa mga paninda at umupo sa food court.

Tinapos ko ang araw na hindi nakakalaro ng Mafiasa Facebook at bumili ng donut upang pasalubong sa bahay at maliit na handa dahil kaarawan ng pinsan ko. Nag-iisip din akokung anu pang pedeng gawin sa natitirang tatlong araw ng leave ko.

Sunday, October 4, 2009

Hero sa pagliligtas


Dahil hanggang ngayon ay di pa natitigil ang usapang kalamidad, sakuna, bagyo at iba pa, ako ay napaisip. Kung sa panahong ito ay may superheroes nga, mapa-anime or comiks; sino sino kaya ang maaaring nakapagligtas sa mga tao nuoong nakaraang bagyong Ondoy.

1. Naruto- Una sa aking listahan ay ang kilalang ninja ng bayan ng Konoha, si Naruto. Bakit ko sya napili? Malaking tulong ang napakarami niyang chakra at maaari syang gumawa ng sandamukal na kage-bunshin upang magtulong-tulong at sagipin ang tao sa baha. Isa pa ay kaya niyang lumakad sa tubig at maaari din niyang i-summon ang higanteng palaka na si Boss gamabunta upang sumaklolo.

2. Lastikman- Dahil sa kakayanan ng bida na nagmula pa sa komiks, sya ay pangalawa sa listahan. Ang kapangyarihang humaba, mabanat at mag-bang anyo ay swak upang isalba ang buhay ng mga taong babad sa tubig. Maaari syang maging bangka, tulay, tali at kung anu-anu pa!

3. Pokemon- Sa tulong ng mga cute at mga pocket monster na ito, madaming maililigtas at matutulungan. Isipin nio, kung nandoon ang Gyaraos, maaaring sumakay ang tao sa kanyang likod. Maaari din sumakay sa mga flying pokemons upang puntahan ung mga nasa gitna ng tubig baha. Subalit hindi pede si pikachu, tyak, dadami ang madidisgrasya.

4. Doraemon- Ang pusa na madaming gamit sa bulsa! Sya ay kasama s listahan dahil sa mga cool gadgets at items nia ay tyak na madaming matutulungan. Maaaring gamitin ang time machine. Maaari din ang mahiwagang pinto. Saktong-sakto lang sya sa kalamidad. Maaari niang gamitin ang bagay na nagdodoble ng bagay upang paramihin ang relief goods!

5. Storm- Hindi mawawala ang X-men member na ito. Ang weather witch na kayang kumontrol ng panahon. Kayang paulanin ng snow at pagyeloin ang baha. Maaari nia ding itaboy ang bagyo! Sya ang ultimate weapon against sa bagyo. Anung panama ni wolvi sa kanya?


Dito nagtatapos ang panandaliang ideya na pumasok sa aking isip.

Friday, October 2, 2009

Paglilinis


Huwebes ng umaga, matapos ang oras ng pagtratrabaho, ako ay umuwi sa aming bahay. Nais kong kahit paano ay makita ang mga bagay na inabot ng baha na hanggang kisame. Dito ay aking itatala ang mga bagay na dumurog sa aking emosyon.

1. Digicam- Natatandaan ko noong Mayo ng pinagdisisyonan ko na bumili ng sarili kong digicam upang magamit sa magiging bakasyon sa Subic. Pinag-isipan kong maigi noon kung bibili ako o hindi pero sa huli ay pinili ko na bilhin ang bagay na iyon sapagk't magagamit ko iyon sa pagtatabi at pag-iimpok ng alaala at mga kasiyahan. Ngayon ang digicam ko ay kulay putik na dati ay kulay asul. Basang-basa ang loob kahit ito ay nakatabi sa loob ng case.

2. MOC- Microsoft Official Curriculum, yan ang MOC. Ito yung mga librong aking ginamit at kaagapay sa aking pag-aaral sa kolehiyo. Mga makakapal na librong nagturo sa akin kahit paano sa Programming at ibang kaalaman sa computer. Ang mga librong ingat na ingat akong itago dahil ang isang piraso ay kasing mahal na ng cellphone. Ang mga librong ito ay hindi ko na mapapakinabangan dahil hindi ko na mababasa at kahit patuyuin pa ay tiyak wala na akong mapupulot na kaalaman dahil dikit-dikit na ang mga pahina nito.

3. Computer- Nasa 3rd year ako ng binilhan ako ng aking magulang ng computer na magagamit sa pag-aaral. Ang computer na nabili sa ipon ng aking mga magulang. Ito ang desktop na noong mga panahon na iyon ay nasa tatlumpong libo ang presyo ay mistulang lata lang ng biskwit na ginawang panahod ng tubig. Ito ang computer na umalalay sa akin sa paggawa ng Thesis sa kolehiyo. Ang bagay na nilait dahil puno ng virus ay ngayon ay di ko na mapapakinabangan pa.

4. Clear book at memory envelope- Ang clear book ang aking taguan ng mga larawan ko nung nasa elementarya pa ako. Natatandaan ko na nung mga nakalipas na araw ay nais ko sanang ipa-scan ang mga ito upang magsilbing nostalgic post sa facebook. Lahat ng larawan maliban noong ako ay nasa unang baitang na di ko matandaan kung nasan ang larawan na yon ay nilunod ng ng kulay putik na tubig. Ang memory envelope naman ay ang aking taguan ng mga palanca letters na aking natanggap noong ako ay nasa high school. Dito ko itinabi ang mga sulat at maiikling mensahe na nagmula sa aking mga kamag-aral. Eto ang aking ginagamit na memento ng aking pag-aaral. Mukang sa alaala ko nalang maitatabi ang mga ito.

5. Laruan at damit- Ang mga laruan o collectible figures na aking inumpisahan noong nakaraang taon mula ng ako ay magtrabaho ay di nakaligtas sa hagupit ng bagyong Ondoy. Kahit na ito ay nakatabi sa Clear Stand box nito ay pinasok padin ng tubig. Mula sa Barko ng mga piratang aking binili noong nakaraang pasko, hanggang sa mga tuhan na aking binibili kada buwan ay natikman ang lasa ng baha. ANg mga damit din na pa-isa-isa kong binibili ay nababad sa tsokolateng kulay ng burak at putik. Di nakaligtas sa sangsang ng tubig baha, sila ay nangungutim.

Marahil sa iba ay sasabihin na ako ay parang tanga na naghihinagpis sa mga bagay na nawala. Sasabihin din ng iba na okay lang yan at ang mahalaga ay ligtas ang pamilya at walang nasawi. OO, tama sila, mainam nga na bagay lang subalit ang sa akin lang, ang mga bagay na aking pinag-ipunan at bagay na may sentimental value ay hindi ko na maibabalik pa. Marahil sa basurahan sila ay magsasama-sama. Luha ay dumaloy sa aking mata habang naaalala ang mga bagay ng nakaraan dahil kahit paano ay ito ay bahagi ng aking kasaysayan.