Wednesday, October 14, 2009

Kwentong Ulan


 
Ulan, Ang bagay na hinihintay ng mga tao na naiinitan sa tindi ng sikat ng araw. Ang pangyayaring natural sa mundo kung saan pumapatak ang mga butil ng tubig na nagmumula sa kalangitan.Isang proseso na nakatutulong sa mga pananim at sa mga nabubuhay dahil ito ay nagbibigay kaginhawaan.

Noon, kapag umuulan ay masaya kaming naglalaro sa kalsada. Mga batang yagit at paslit na masayang nagtatampisaw sa tubig at mabilis na kumakaripas ng takbo at nag-uunahan sa mga alulod na malakas ng buhos ng tubig. Mga panahong walang sawa ang mga kabataan sa paghiling na sana hindi pa huminto ang ulan dahil sa sayang dulot. Hindi alintana ang lamig at ginaw na dulot ng pagbagsak ng tubig sa kanilang mumunting katawan.

Kung babalikan ko ang nakaraan, masasabi ko na isa ako sa mga batang nagsasaya at libang na libang sa pagbuhos ng ulan. Kahit na anong lakas ng ulan ay kakayanin at di palalampasin. Kahit na anung signal pa ng bagyong dumating ay ayos lang sa amin. Naranasan ko na maligo sa ulan ng anim na oras. Naranasan ko na magtampisaw sa maliliit na baha na dulot ng lakas ng ulan. Nakawa ko ng magpagala-gala kung saang lupalop at playground upang mag-enjoy sa bagsak ng ulan.

Ngayong ako ay 22 years old na, hinahanap-hanap ko ang nakaraan at ninanais na maligo sa gitna ng daan at mabasa ang katawan. Ako ay nagbabalik tanaw sa nakalipas habang bumubuhos ang ulan. Subalit sa sinapit noong nakaraang linggo na dulot ng bagyong Ondoy, Hindi ko alam kung nanaisin ko pa na magtagal ang buhos ng ulan dahil di ko alam kung kakayanin ko pa na mawalan ng tirahan at lumubog ang mga gamit na aking binili na nagmula sa aking pinagpaguran.

0 comments:

Post a Comment

So.......Ansabeh???