Tuesday, December 15, 2009

MixMo!


Mixmo? Bakit mixmo ang pamagat ng blog entry na ito? Ito ay sa kadahilanang ang araw na ito ay halo-halong emosyon ang aking naramdaman. Pinagsamasamang pakiramdam na hindi maipaliwanag kung ano ang nagduduolt ng ganitong bagay.

Pagkagising palang, ramdam ko na ang katamaran. Medyo tinatamad ang aking katawan upang bumangon dahil sa lamig ng panahon. Sa mga ganitong panahon ay masarap ang humilata at isandal ang katawan sa malambot na kutson kasabay ng malamig na ihip ng hangin na dulot ng bintilador. Nakakatamad putulin ang masarap na pagkakahiga at paglutang ng isipan sa walang patutunguhang panaginip.

Ikalawang bagay ay excitement. Ngayong araw na ito ay ang nakatakdang pagkuha ng MCP exam ng dalawa sa aking kaibigan. Sila ay haharap sa pagsubok upang maipasa ang kanilang Vista Certification exam na ipinagkakaloob lamang sa mga empleyadong nagpakita ng gilas at kagalingan sa pagsuporta at pagbibigay serbisyo sa mga taong tumatawag sa telepono.

Ikatlo ay lungkot. Di ko mawari kung bakit bigla akong nalulungkot. Ito ay marahil dulot ng lumbay dahil malamig ang pasko at walang kasama. Marahil dulot din ito na malungkot ang pasko na paparating dahil walang night diff at taxi allowance dahil nasa pang-umagang shift kami ngayon.

Ingit! Ikaapat na nararamdaman ng bulsang kapos sa kadatungan. Marahil ay naiingit ang isip sa mga kaibigang mga nagsasaya dahil nakapunta na ng ibang bansa o kaya naman ay nakapunta na sa ibang parte ng Pilipinas katulad ng mga Visayas at Mindanao. Ingit din ang nadarama dahil ang mga kasabayan sa kolehiyo ay umaasenso sa larangang napili na tunay na 'related' sa kursong tinapos.

Sumapit ang tanghali at nakaramdam naman ng matinding paghahanap ng makakain. Ngayong araw na ito ay mukang napasobra sa pag-crave sa matamis kaya napilitang bumili ng Leche Flan. Napasarap din ang pagkain dahil sa tindang Calamares sa 17th floor at ang baong Martys vegetarian chicharon.

Pang-anim ay depresyon. Di ko alam kung bakit ako nadedepress sa mga desisyon na ako ang namili. Pinili ko na pumasok sa trabahong lihis ng onti sa aking napag-aralan.  Nag-iisip kung tamang landas ang pinipiling tahakin. Nadidismaya sa pagtalikod sa programming. Nanghihinayang din sa MCP certification na naipasa dahil di ko din napakinabangan ng lubusan.

Galak at saya ang ikapito. Masaya ang araw dahil kahit paano ay di gaanong queueing. Sa araw na ito ay enjoy din dahil kahit paano ay nakakapuslit at nakakapagpataas ng level sa laro. Okay din dahil nakapaghalubilo sa mga kaibigan at nakikipagkwentuhan sa mga kasama sa trabaho.

Inis naman ang sumunod na naramdaman dahil out of nowhere ay nalaman na 25% lang nakuha ko sa QA. Naiinis sa sarili dahil medyo mukang napabayaan ko ang call flow. Marahil ay inis din sa nag QA dahil mukang andaming items ang nilagyan ako ng no. Naaasar dahil kahit na anong klaseng pag-ayos ko sa calls e pilit humahanap ng butas ang mga tao.

Pangamba, yan ang nadarama ngayon. Matapos malaman na kailangan kong i-check ang QA at mag file ng dispute kung sakali ay nakadama ako ng takot. Bakit takot? Ito ay sa kadahilanang natatakot ako na sumobra ang paghila nito sa aking scores. At ang mas ikinatatakot ko ay dahil kung ang nakaraan ay nasa bottom group ako at ang pinaka-kulelat sa team, ay  baka maulit muli sa buwan na ito at humatak sa akin sa rank D pagdating ng quarterly score.

Para akong buwang sa nararamdaman at iniskrambol na emosyon at pakiramdam. Sana bukas ay kaligayahan lang ang madama. O kung sakali ay inspirasyon o pag-ibig naman. :D

0 comments:

Post a Comment

So.......Ansabeh???