Wednesday, November 18, 2009

Iyak at Luha


 
Sa mga nagdaang araw na inabot ako ng kung anong kamalasan, di ko mapigilan ang loob ko. Di ko mapigilang manikip ang dibdib at mapag-isip-isip kung ako ba ay may nagawang kasalanan at ganoon nalang ang inabot kong problema. Alam ko na sa iba ay napakababaw ng pangyayari sa akin. Nanakawan ng cellphone, e ano ngayon, bagay lang naman daw iyon. Marahil tama sila subalit ang tunay na sanhi ng lungkot ay ang bagay na pinaghirapan ko at nabili ko gamit ang aking sariling pera at pagod ay naglaho ng bigla.

Corny! Baduy! Yan ang mga tagang naiisip ko na baka sabihin ng iba. Masyado ko naman dinamdam at dinibdib ang pagkakanakaw sa cellphone ko e kaya ko naman daw palitan iyon. Ang sa akin, oo kaya naman palitan pero ang sentimental value ng cellphone na iyon at ang numero ng sim na ginamit ko ng halos tatlong taon ay wala na. Magpapaalam na ako sa mga numero ng mga kaibigang di ko na nakikita at nakakausap. Tatalikuran ko na ang mga mensaheng itinago dahil nanggaling sa mga taong malapit o hinahangaan. Wala na! kelangan ko na daw mag-move-on and get on with my life.

May punto ang mga taong nagpayo sa akin. Naganap na ang naganap. Nawalan na ako pero hindi naman titigil ang buhay sa pagkawala ng mensaheng itinabi o kaya mga numero ng mga kaibigan. Tuloy padin ang laban at tuloy padin ang ikot at pihit ng mundo. 

Iniluha ko na kagabi ang sakit at kirot na nadama at itingangis ko na ang dapat iyakan dahil ngayong araw na ito, panibagong pakikipagsapalaran ang nag-aabang.

0 comments:

Post a Comment

So.......Ansabeh???