Monday, December 26, 2011

Sa Dating Lugar


Sampung taon na pala ang nakalipas simula ng tayo ay nagkakilala. Antagal na pero parang kahapon lang para sa akin ang lahat. Iba talaga ang pagkakataon. Eksaktong sampung taon ng tayo ay magtagpo at heto at nasa iisang lugar nanaman tayong dalawa. Ikaw ay nakasakay sa kotse at ako ay isang hamak na tambay dito sa isang kilalang tindahan ng gasolina.

Taong 2001 noong kasama mo ang iyong drayber na huminto sa tinatambayan kong gasoline station. Sakay ng magara at mukang mamahalin mong sasakyan ay bumaba ka at nagtungo sa may palikuran habang kinakargahan ng gasolina ang iyong sasakyan.

Naglalakad na sana ako palayo at papauwi ng bahay at eksakto naman na pabalik ka na sa iyong sasakyan. Doon ko unang nasilayan ang iyong ganda. Hindi ka typical na babae na may mahabang buhok sapagkat sobrang ikli ng iyong kulay brown na buhok. Bagay na bagay sa iyo ang simpleng t-shirt na suot na kapares ng kupas na maong na pantalon at sneakers. Sa tagpong iyon ay nakuha mo ang atensyon ko.

Bago pa ako tuluyang makahakbang palayo, nadinig ko ang iyong magandang boses na tinatanong ang iyong drayber kung nakahingi na ng tulong kung paano makakarating sa iyong destinasyon. Kausap ng drayber mo ang aking kaibigan na si Sherwin at ako naman ay nakisabat na din sa pagkakataong yon. Tumulong ako kung paano ninyo matutunton ang lugar.

Sa oras ding iyon, nagpasalamat ka sa aming dalawa at di ko mapigilan na hingin ang iyong pangalan. Akala ko ay iisnabin mo ako pero kasabay ng maamong mukha at isang makinang na pagngiti mo ay ang pagbanggit ng iyong pangalan. Divine.

Akala ko ako lang ang makapal ang apog pero makapal din pala ang apog ng kaibigan ko at hindi nakuntento sa iyong pangalan. Tinanong ka niya kung maari ba kaming makipag-kaibigan sa iyo at kung puwedeng mahingi ang numero mo. Walang takot mo namang ibinigay sa amin ang iyong tarheta at tanong ng aming pangalan. 

Sa kakaibang kabaitan na taglay mo ay biglang pinakabog nito ang puso ko at sa kasamaang palad pati ang puso ng kaibigan ko. Pareho kaming nahulog ng lubusan sa iyo.

Nahiya akong dumiskarte sa iyo kasi ay may kaya ka sa buhay. Ika nga sa mga teleserye at pelikula, langit ka at lupa ako. Kahit lagi kang nasa isip ko, hindi ko nagawang magbigay ng sobrang motibo. Tanging forwarded text jokes at quotes lang ang kaya ko.

Makalipas ang isang taon, di ko lubos akalain na matindi pala ang kaibigan kong si Sherwin. Malakas ang loob. Di ko inakalang matindi din ang tama niya. 

Nanghihinayang ako at napanghinaan ako ng loob. Di ko inakala na bale-wala sa iyo ang estado ng buhay. Naging mag-nobyo kayo ng aking kaibigan. Natalo ako sa laban ng pag-ibig pero sinubukan kong gamutin ang katangahan at minabuting maging masaya para sa inyo.

Naging matatag ang relasyon ninyo dahil umabot kayo ng tatlong taon bilang magkasintahan. Nakikita kita sa lugar na pinagtratrabahuhan ng aking kaibigan. Inaabangan mo minsan na matapos ang trabaho niya at sabay kayong aalis. May mga oras na aalukin ninyo akong sumama pero ako ay tatanggi dahil alam ko na ayaw maghilom ng sugat sa aking puso. Laging dinudugo. Tang-ina.

Isang araw habang nakatambay nanaman ako ay lumapit ka sa akin. Ewan ko. Di padin maiwasan ng puso ko na magtatatalon kapag nakikita ka. Sa iyong paglapit, iniabot mo ang imbitasyon ng inyong kasal. At di ko inakala na ako pa ang kukuning bestman nitong kaibigan ko. Tingnan mo nga naman ang pagkakataon.

Ikinasal kayong dalawa. Kapwa masaya. Habang ako ay tahimik na nagdurusa. Pero masaya din ako kahit paano kasi ang kahit paano ay nakikita kita mga manakaw at pasimpleng tingin lang.

Lumipas ang isang taon, nagdalang tao ka na. Nasa sinapupunan mo ang bunga ng inyong pagmamahalan. Ako na nga ang bestman sa kasal, ngayon naman malamang ay ako naman ang magiging ninong ng anak ninyo. Double Kill!

Kapapanganak mo pa lang noon ng sa di inaasahang pagkakataon ay nalaman mo na nakabuntis din pala ang kaibigan ko ng iba. Pero hindi yun ang masakit na balitang natanggap mo. Ang masaklap ay nagpakamatay siya sa sobrang sama ng loob sa nagawang pagtataksil at sa karupukan.

Tinaguyod mong mag-isa ang anak ninyo. Paminsan ay dumadalaw sa gasolinahan na tila hinahanap hanap mo  ang taong iyong minahal. Tila hindi ka pa din tuluyang nakaka-move on.

Sa pagkakataong ito, nilakasan ko ang loob ko at nagtapat ng natatagong nadarama. Habang karga-karga mo ang iyong anak, sinabi ko ang laman ng isipan ko. Ibinuhos ko ang nasa puso ko. Tanging luha mo lang ang aking nakita. 

Sampung taon na din pala ng una tayong nagkita. Antagal na pero parang kahapon lang ang lahat. Andirito nanaman ako sa mismong gasolinahan na tinambayan ko noon. Habang ikaw ay nasa isang sasakyan. Ang mata ko ay di napigilang maluha sa tagpong ito.

Sakay ka ng isang kotseng may mabagal na patakbo. Ang malungkot na kanta ang tanging nadidinig kasabay ng malakas na pag-iyak ng iyong anak. 

***************************

Eto ang aking lahok para sa pakontes ni Sir Gasul para sa Gasoline Dude’s Blogversary Writing Contest.. Syemps, gusto kong manalo ng 1TB na Portable Hard Drive.

*************************************

16 comments:

  1. ang lungkot ng ending pero nice story pre! mganda ang twist!
    gudluck sa contest!

    ReplyDelete
  2. Sad naman ang ending.. :( GudLuck!

    -mommyRazz

    ReplyDelete
  3. sad ending pero ayush ang twist not the typical churva!!

    gud luck khanto boy!

    ReplyDelete
  4. ayun! kala ko tula ang entry mo, astig ah kahit sad ending

    ReplyDelete
  5. Hays! may entry ka na. Good luck!

    ReplyDelete
  6. Astig ah....naramdaman ko ang storya, puno ng emotion...pero nasaan ang bed scene at kissing scene??

    ReplyDelete
  7. nice story. isa sa mga pinakamahirap na bagay na gawin ay ang "maka move on."

    Sayang naman, naging messy ang lahat.

    Pero sa tingin ko magiging matatag parin siya lalo nat may anak na siya.

    I think ang moral lesson nito, "hwag torpe sa chicks, kung ayaw maunahan ng ka tropa" hehe :)

    ReplyDelete
  8. goodluck sa ating mga sumali! ^^ dame!

    ReplyDelete
  9. hala ayan na sumali narin :)

    ReplyDelete
  10. aba....good luck..sana manalo ako..ok tayong dalawa hehe :D pwede na rin to submit sa mmk ^^ nice one angelo ^^

    ReplyDelete
  11. Awwww...

    Nako... si Sherwin pa naman isa sa mga judges haha dapat si Steph andyan din o. hahaha

    Good luck a! :) Galing ng storya!

    ReplyDelete
  12. @all, salamat sa time na ginugol nio sa pagbasa. :D

    ReplyDelete
  13. Unang paragraph pa lang, nakita ko na yung gasolina. AY sa kontest ito. hehe Pero pinagpatuloy ko. Aba'y bitin ang ending!!

    ReplyDelete
  14. After more than a month of reading and putting scores on each entry, FINALLY! Natapos din! Salamat sa paglahok at pagsuporta sa aking munting patimpalak. :)

    ReplyDelete

So.......Ansabeh???